
MGA LECCOM NG PAROKYA DUMALO SA PANGKALAHATANG KAPULUNGAN 2015
Ginanap ang Taunang Pangkalahatang Kapulungan ng mga Lector at Commentator (LecCom) ng Diyosesis ng Malolos noong ika-22 ng Agosto, 2015 sa Immaculate Concepcion Major Seminary, Brgy. Tabe, Guiguinto, Bulacan. Ang kapulungan ay dinaluhan ng mga LecCom sa loob ng labindalawang parokya ng bikarya ng Malolos.
Naging pangunahing tema ng kapulungan ang, “Ang mga Sakramento ng Pagpapagaling sa Buhay ng mga Tagapaglahad ng Salita ng Diyos”. Para sa pagtalakay ng naturang tema na tumutukoy sa Sakramento ng Kumpisal at Pagpapahid ng Langis sa Maysakit, hinati ang mga dumalong LecCom sa tatlong pangkat ayon sa edad at bilang ng taon ng paglilingkod.
Ang pangkat ng mga “Young” ay binubuo ng mga LecCom na may edad labing-walong gulang pababa. Naging tagapagsalita sa panayam si Fr. Nap Baltazar. Ang mga LecCom naman na may edad labingwalo pataas ay ibinilang sa pangkat ng mga “Junior” kung nakapaglingkod ng isa hanggang limang taon o sa pangkat ng mga “Senior” kung nakapaglingkod na ng higit sa limang taon. Si Fr. Anthony Chan, Spiritual Director ng LecCom Ministry ng Diyosesis, ang nagbigay ng panayam sa mga “Junior” habang si Msgr. Pablo S. Legaspi, Jr. naman ang naging tagapagsalita sa mga “Senior” Nagkaroon din ng karagdagang presentasyon ni Sis.Maritoni Suarez.


Sinimulan ang Pangkalahatang Kapulungan nang ika-7:00N.U. sa pamamagitan ng pagdiriwang ng Banal na Misa at natapos bandang ala-1:00N.H.