Lector Duties

Paano Maging Katoliko sa Facebook?

January 26, 2018
Ang Gintong Uhay : Pintakasi

Nang tayo ay bininyagan, lahat tayo ay tumanggap ng ating “prophetic mission”. Lahat tayong mga Katoliko ay kaisa ni Kristo sa kanyang pagiging pari, hari, at propeta. Lahat tayo ay may misyon na ipahayag ang mabuting balita ng ating kaligtasan at ang social media ay isa sa mga mabibilis at epektibong paraan upang magampanan ito.

Anu-ano nga ba ang mga posts ng isang Katolikong isinasalamin ang kanyang pananamaplataya? May nang-away na ba sa ‘yo dahil nagpost ka sa social media ng iyong paniniwala? Paano kung in-unfriend ka na ng mga dati mong ka-close dahil sa ipinahayag mong opinyon? Paano dapat pakitunguhan ang mga bashers at trolls? Naging biktima ka na ba ng fake news?

Narito ang ilang mga sagot sa katanungan nating mga Catholic Digital Citizen.

Tanong: Anu-ano ang mga pwede kong ipost upang maipalaganap ang mabuting balita?

Layunin ng simbahan na dalhin ang lahat ng bagay kay Kristo. Maraming mga tao ang nag-iisip na ang mga paksa ukol sa kalikasan, ekonomiya, o politika ay hindi paksa na dapat pag-ukulan ng mga Katoliko. Ngunit ang salitang “Katoliko” ay galing sa salitang Griyego na “katholicos” na ibig sabihin ay “universal”. Sabi nga ni Msgr. Pedro Quitorio ng CBCP, “Evangelize the economy, evangelize poltics, evangelize every aspect of human life.”

Maganda ring magpost ng mga bagay na nagbibigay ng pag-asa, ligaya, at positibong pananaw sa buhay. Hindi naman kinakailangan na Bible verse palagi. Gawin nating gabay ang: Anong posts ang magpapakita kay Kristo sa ating buhay?

Ano ang mga hindi dapat ipost?

Payo ni Obispo Pablo Virgilio David ng Kalookan sa mga taong-simbahan: Huwag haluaan ang posts ng politika. Alam ng mga tao kung mayroon tayong isinusulong na pampulitikal na agenda.

Tanong: Paano kung may sumasalungat sa aking mga opinion at sa aking paniniwala?

Pagdating sa opinyon, we have to agree to disagree. Kailangan nating tanggapin na hindi lahat ng tao katulad natin ng opinyon. Igalang natin sila upang igalang din tayo. Pagdating sa katotohanan, panindigan natin ito at ipagdasal natin na ang sumasalungat dito ay maliwanagan. Sabi nga, we are entitled to our own opinion but not to our own facts.

Tanong: Ano ang gagawin ko kung in-unfriend na ko ng mga malalapit kong kaibigan, kakilala o kahit ng aking mga guro at katrabaho dahil sa aking mga posts?

Ipahayag natin ang ating posisyon at paniniwala sa pinakamagandang paraan na kaya natin – may paggalang, malasakit, at pag-ibig. Ayon kay Michelle Alignay, sikologo at eksperto sa buhay pamilya, kung may mga close friends kayo na in-unfriend kayo dahil sa iyong pananaw, mabuting pagnilayan mo ang inyong pagkakaibigan.

May mga tao na close sa atin, ngunit maaaring hindi ganun kalalim ang pagtingin sa atin. Ang pagkakaibigan ay isang pakikipag-ugnayan kung saan marunong rumespeto ng opinyon ang bawat isa. It can stand the test of time and disagreements. Kung talagang kaibigan ka nya, hindi ka nya ia-unfriend dahil sa isang post lang.

Ngunit, mahalaga din na aminin natin kapag tayo ay may nasabi ding hindi tama at hindi dapat. Madali dapat sa atin ang humingi ng tawad at magpakumbaba kung nakasakit ng iba. Gayundin naman, ang pagpapatawad nating isinasabuhay bilang Kristyano sa totoong buhay, gawin din dapat natin sa social media. Wala dapat “real me” at “social me”.

Tanong: Paano ko malalaman kung ang balita ay isang fake news?

Mahalagang malaman kung fake news ba ang isang balita o hindi, upang hindi ka mabiktima at upang hindi mo ito mai-ishare at makapangbiktima ka din ng iba. Hindi nakikilala ang fake news sa pamamagitan lamang ng grammar o content. Magagaling ang mga nagsusulat ng fake news dahil karamihan sa kanila ay manunulat din talaga. Ito ang dahilan kung bakit sila nakakaengganyo at nakapanloloko ng mga mambabasa.

Una, huwag umasa sa iisang source lamang. Kung ito talaga ay balita, ibabalita ito ng madaming mga news agencies lalo na ng mainstream media.

Pangalawa, suriin ang link ng balita. Isang tuldok o letra lamang ang madagdag sa link, peke na kaagad ito. Halimbawa, ang website na “Bloomberg.ma” ay imitasyon ng “Bloomberg.com” at ang “cnn-trending.com” ay imitasyon naman ng “CNN.com”.

Pangatlo, may inilabas ang simbahan na listahan ng mga fake news sites. Iwasan na natin ang pag-follow sa mga ito. I-follow lamang ang sites na may kredibilidad. Isang indikasyon ng website na may kredibilidad ay ang pagkakaroon nito ng “About” menu. Ang mga manunulat sa likod nito ay mga manunulat na may pangalan at may integridad, may mga editors na pagagalitan sila kapag ang kanilang isinulat ay mali-mali.

Pang-apat, may mga fact-checking websites na maari nating gamitin upang masuri kung fake news ba ang ating nabasa.Halimbawa nito ay ang FactCheck.org, TruthOrFiction.com, at HoaxSlayer.com

Panghuli, huwag manawang pagyamanin ang sarili sa pamamagitan ng pagsasaliksik. Kahit nasa anong edad tayo, turuan natin ang ating sarili ng mga bagong kaalaman. Karunungan pa rin ang ating pinakamalakas na sandata laban sa mga fake news.

Tanong: Ano ang gagawin ko kapag inatake ako ng mga trolls at internet bots?

Huwag patulan. Ang internet bots ay hindi tao ang nasa likod kundi computer program. Ang mga trolls ay may sariling agenda at ang tangi nilang layunin ay mayakag ang mga tao upang makipagsagutan sa kanila. Trolls do not shoot the message, they shoot the messenger. Wala hanggang sa napakaliit ng iyong tsansa na makumbinse mo sila at kapag sumigaw sila at sumigaw ka din, kapag minura ka at nagmura ka din, sila ang nananalo.

Kung may nais tayong linawin sa isang post o komento, maglahad ng opinion, o pasubaliaan ang  isang fake news, makabubuting i-copy at paste ang bahagi ng balita na nais nating linawin sa sarili nating social media account at dito natin sagutin ang kanilang batikos o kahit anong nais nating linawin,o i-share ang link ng totoong balita kaugnay nito. Maaaring may ibang digital citizen na mayroong kahawig na katanungan o agam-agam, sila ang mga taong handang makinig. Matutulungan natin silang maliwanagan sa pamamagitan nito.

Iwasang sagutin ang mga trolls at internet bots sa kanilang posts o comments dahil lalo lamang nating matutulungan na mabigyan sila ng pansin. Tandaan na may algorithm na sinusunod ang Facebook at iba pang social media upang malaman kung ano ang lalabas sa kani-kanyang newsfeed. Huwag nating tulungang pataasin ang engagements sa mga trolls at fake news sites at gawin silang viral.

Nabubuhay tayo sa isang napakainteresanteng panahon ng kasaysayan. Magtatagal ang social media, at tayo ang mga unang henerasyon na nakaranas at gumamit nito. Tayo bilang mga Katoliko ay may mahalagang gampanin na gamitin ang social media sa tamang paraan, sa pagpapalaganay ng ebanghelyo at sa lalong ikadadakila ng Diyos. Dalhin natin si Kristo sa bawat aspeto ng ating buhay. Patunayan natin na si Hesus higit kaninuman, may puwang pati sa Facebook, Twitter, at Instagram.

 

This article was published in St. Ildephonse de Toledo – Guiguinto Parish’s official news magazine, “Ang Gintong Uhay : Pintakasi”, released on January 23, 2018 on our patron saint’s feast.

Leave a Reply